MANILA, Philippines – Apat pang gusali sa Makati City ang isasailalim sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee dahil sa isyu ng overpricing at tatagal pa ito hanggang Abril at Mayo sa susunod na taon dahil sa patuloy na lumalabas na mga ebidensiya at dokumento laban kay Vice President Jejomar Binay.
Ito ang kinumpirma kahapon ni Senator Antonio Trillanes kahit pa mistulang kinuwestiyon na ni Pangulong Benigno Aquino III ang paunti-unting paglalabas ng mga dokumento laban kay Binay.
“Sabi nga wala hong tapon dito kasi lahat ng raket na puwedeng pagkakitaan (sa Makati) pinagkakitaan may limang building pa tayong iimbestigahan,” ani Trillanes.
Bukod pa sa kontrobersiyal na Makati City Hall Building II, sumasailalim na rin sa imbestigasyon ang Makati Science High School, at iimbestigahan din umano ang Makati City Hall Building I, Makati Nursing Building, Ospital ng Makati, at Makati Friendship Suites.
Ang Makati Friendship Suites ay itinayo upang matirahan ng mga nasunugan sa Makati base na rin sa ipinasang resolusyon ng konseho, pero hindi umano ito napakinabangan ng mga mamamayan ng Makati.
Idinagdag ni Trillanes na marami pang rebelasyon si dating Vice Ernesto Mercado at hindi nila masisiksik sa isang hearing ang ginagawang imbestigasyon.