MANILA, Philippines - Patay ang lider ng isang carnapping group nang tambangan ng mga hindi pa nakikilalang salarin matapos na dumalo sa pagdinig ng kaso sa Valenzuela City Regional Trial Court, kahapon ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Jommel Salvatiera, lider ng Salvatiera Carnapping Group.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng umaga sa tapat ng Tiera Santa Memorial Park sa may Maysan Road, Brgy. Maysan kung saan kagagaling lang ng biktima sa pagdinig ng kanyang kaso sa Valenzuela RTC Branch 75 at sakay ng kanyang Toyota Innova nang paulanan ng bala ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Sa rekord, sangkot ang grupo ni Salvatiera sa serye ng carnapping sa Metro Manila partikular sa Calolocan, Valenzuela at Quezon City. Sa teorya ng pulisya, posibleng kalabang sindikato ang nasa likod ng naturang pananambang.