2 driver, kagawad utas sa ambush
MANILA, Philippines - Tinambangan at napatay ang dalawang driver ng habal-habal at isang barangay kagawad sa magkakahiwalay na insidente sa Cotabato City at Maguindanao.
Batay sa ulat ni Sr. Supt. Rollen Balquin, hepe ng Cotabato City Police, dakong alas-5:30 ng umaga kahapon nang pagbabarilin ang dalawang driver ng habal-habal na kinilalang sina Satar Tambag at Dagul Ali; pawang 18-anyos.
Agad na nasawi ang dalawa sa mga tinamong tama ng bala ng cal. 45 pistol sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Nabatid na binabaybay ng dalawa ang kahabaan ng Macapagal St., Rosary Heights 6, nang sumulpot ang hindi nakilalang mga kalalakihan at pinagbabaril ang dalawang biktima.
Namatay din sa pamamaril ang biktimang si Brgy. Kagawad Wilson Mayola ng Brgy. Making, Parang, Maguindanao.
Sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga ay kahahatid lamang ng biktima sa misis nitong guro sa Molina Elementary School sa bayan ng Parang nang biglang sundan ng hindi pa nakilalang mga salarin na sakay ng motorsiklo.
Pagkalapit sa biktima ay agad na pinagbabaril ito at nang makitang patay na ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek.
- Latest