MANILA, Philippines - Humabol sa Undas ang isa sa apat na bilanggo ng Manila Police District-station 1, matapos lasunin umano ng isang “misteryosong” babaeng dalaw sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang kinilalang si Jervy Hernandez, 25, pedicab driver, residente ng No. 186 Sampaloc St. Gagalangin, Tondo at may kasong snatching habang ginagamot naman sa Philippine General Hospital (PGH) ang tatlo pang biktima na sina Francis Mark Morallos, 30, ng Permanent Housing, Balut, Tondo, Maynila na nakakulong dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Anti-Drugs Act; Rogelio Lavilla, 32, ng Unit 85 , Aroma, Vitas, Tondo na may kasong rape; at Monchito Sella, 37, ng Building 34, Ground Floor, ng Aroma, Vitas, Tondo na may kasong illegal possession of firearms.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang misteryosang babae na umano’y nag-abot ng “Tropicana juice” sa presong si Morallos kung saan siya ang posibleng pakay lang sa panlalason subalit naipasa ang inumin sa kaniyang mga kasamahang bilanggo kaya nadamay.
Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas 7:35 ng gabi sa loob ng detention facility ng MPD-station 1, kung saan dumating ang naturang babae at nagpaalam na may ibibigay lamang ito kay Morallos kaya agad na pinayagan na makapasok. Ngunit kaunti lang ang nainom nito.
May impormasyon na ang di kilalang babae na suspek sa insidente ay sinasabing ‘runner’ umano ng isang alyas “Tofer”, na kilala sa lugar sa pagiging sangkot sa iligal na droga.