MANILA, Philippines – Dead-on-the-spot ang isang lalaki habang nasa kritikal naman ang pinsan nito matapos na sila ay pagbabarilin ng apat katao na kanilang nakaaway sa peryahan kamakalawa ng gabi sa Brgy. Maguyam, Silang, Cavite.
Ang nasawi ay kinilalang si Bernard Raymundo, 25, ng Bypass Road, Brgy. San Vicente 2, habang kritikal naman ang pinsan nitong si Edwin Raymundo, 26, residente ng Blk. 5, Lot 8, Brgy. San Gabriel, GMA, Cavite.
Pinaghahanap naman ang apat na suspek na agad tumakas at tinangay pa ang gamit ng magpinsan.
Sa ulat, bago nangyari ang krimen dakong alas-10:15 ng gabi sa nasabing lugar ay may nakaaway ang magpinsan sa peryahan na grupo ng kalalakihan na kapwa lasing na katulad nila.
Nang maawat ay inakala na tapos na, subalit pag-uwi ng magpinsan ay nakaabang ang mga suspek at agad na sila ay pinagbabaril.