MANILA, Philippines – Hindi niyo sinabi, ‘Sir, P446 million ‘yan, P11 million pa lang binabayad ko. Hangga’t ‘di ko nabayaran ang P446 milyon, hindi pa akin ‘yan.”.
Ito ang pag-amin kahapon sa Senate Blue Ribbon Sub-Commitee hearing ng umano’y “dummy” ni Vice President Jejomar Binay na si Antonio Tiu na hindi siya ang nagmamay-ari ng lupain at mga mansyon na nasa loob ng 350-ektaryang Hacienda Binay sa Rosario, Batangas.?
Sinabi ni Tiu, presidente ng Sunchamp Real Estate and Development Corp., wala siyang mga titulo at dokumento na magpapatunay na kumpanya niya ang nagmamay-ari ng kontrobersyal na Hacienda Binay.
Inamin ni Tiu na ang kumpanya niyang Sunchamp ay bumili lamang ng karapatan (usufruct) mula kay Laureano Gregorio para magamit ang Hacienda Binay bilang Agro-Tourism Park.
Sa pagtatanong pa lang ni Sub-committee Chairperson Sen. Koko Pimentel, lumabas na walang transfer certificate title (TCT) ang negosyante.
Pimentel: So you are not the owner sa ngayon? Tiu: I’m the owner over the rights.
Pimentel: Pero hindi ka nga owner.
Tiu: Magiging owner din po tayo...
Pimentel: Future tense?
Pimentel: Future tense.
Binakbakan ni Sen. Antonio Trillanes ang paggiit ni Tiu sa media na ito ang may-ari ng Batangas estate.”During your past interviews, you said you own the ‘Hacienda Binay’ and everything on it... Walang classifications.”
Segunda ni Pimentel, “Sa mata namin, hindi ikaw ang may-ari sa ngayon.”
Sa patuloy na pag-usisa ni Sen. Alan Peter Cayetano, lumitaw na P11 milyon pa lamang ang nababayaran ni Tiu sa Batangas estate na nagkakahalaga ng P446 milyon.
“The total downpayment paid so far is P11 million,” sabi ni Tiu at wala pa anya siyang sumunod na hulog. “Depende pa ‘yun sa pag-produce nila ng titulo.”
Muli rin namang itinanggi ni Tiu na siya’y dummy ni Binay, pero hindi anya niya masasabi kung dummy ang pinagbilhan niya ng property na si Laureano Gregorio.
Ibinulgar naman ni dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado na mayroong P15.6 milyong halaga ng property si Binay sa isang exclusive residential community sa Tagaytay.
Ang nasabing property ni Binay ay mayroong tatlong silid at nasa Woodlands sa Tagaytay Highlands at ito umano ay hindi kasama sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth ni Binay na binili umano noong mayor pa ng Makati ang bise presidente.