MANILA, Philippines - Tahasang sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi maaaring ikulong si Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton ang suspek sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude dahil isinasagawa pa lamang ang preliminary investigation at hindi inquest proceeding.
Anya, makukuha lamang ang custody ni Pemberton, sakaling maglabas ng warrant of arrest ang korte laban dito.
“Nililinaw ko po na ang appropriate time that we demand for his custody is kapag ho meron nang warrant of arrest na ini-issue ang korte, kasi sa kahit ano naman hong kaso... ‘pag sa stage po ng preliminary investigation, hindi pa naman ho natin ‘yan pwedeng ikulong,” ani De Lima.
Hindi naman dumalo si Pemberton sa preliminary investigation ng Olongapo City Prosecutor’s Office, kahapon at iginiit ng Pilipinang abogado ng US Marine na si Atty. Rowena Garcia-Flores na hindi obligado ang kaniyang kliyente na humarap sa imbestigasyon.
May 10 araw din anya silang palugit para magsumite ng counter affidavit mula nang matanggap ang subpoena noong Oktubre 17.
Gayunman, hindi pa masabi ng abogado kung magsusumite sila ng counter affidavit matapos ang palugit.