DILG pinuri ang Bulacan police sa mabilis na aksyon sa NLEX hostage taking

MANILA, Philippines - Pinuri ni Department of Interior and Local Gover­nment (DILG) Secretary Mar Roxas ang mabilis na aksiyon ng mga miyembro ng Bulacan Provincial Police Office (BPPO) kaya naiwasang makapatay ang isang hostage taker sa loob ng isang bus sa bahagi ng North Luzon Expressway sa Barangay Sta. Rita, Guiguinto, Bulacan.

“Kapuri-puri ang mabilis na aksiyon ng pulisya sa Bulacan upang maiwasang dumanak ng dugo lalo’t ang isa sa mga hostage na turistang dayuhan ang binantaan niyang gigilitan ng leeg,” ayon kay Roxas.

“Sa presence of mind ng mga pulis sa pangunguna ni Sr. Supt. Ferdinand Divina ay inagaw nila ang patalim at naaresto ang hostage taker”.

Sa paunang ulat, nagsimula ang hostage taking sa tinatayang 13 pasahero ng Everlasting bus na mulang Tuguegarao patungong Cubao dakong alas-6:25 ng umaga kung saan tinutukan ng patalim ng suspek ang isang pasahero.

Kaagad dumating ang mga pulis at pinagbigyan ang dalawang hiniling ng suspek pero nahalata nila na wala sa katinuan ang suspek kaya sinugod na ng dalawang pulis hanggang maaresto ang suspek dakong alas-8:45 ng umaga.

“Ganito ang inaasahan natin sa lahat ng pulis sa buong bansa dahil sa kanila nakasalalay ang pagbaka sa iba’t ibang krimen”. pahayag ni Roxas.

 

Show comments