MANILA, Philippines – Nanganib man ang buhay nang hindi kaagad makalapag ang sinasakyang eroplano sa Tagbilaran City, Bohol, lalong inilapit ni DILG Secretary Manuel “Mar” Roxas III ang “daang matuwid” ng pamahalaang P-Noy sa kanyang mga “bossing” nang hamunin niya kamakailan ang mga pamahalaang lokal na pabilisin ang rehabilitasyon ng mga imprastrukturang nawasak ng malakas na lindol noong nakaraang taon.
Nagpaikut-ikot muna sa ere ang eroplanong sinakyan ni Roxas bago napilitang lumapag sa Cebu City sanhi ng masungit na panahon.
Nang makakuha ng clearance para lumapag sa Tagbilaran City ay saka lamang nakarating si Roxas sa Bohol at nagdiretso sa Bohol Tropics Resort sa Tagbilaran City at ginanap ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council Meeting nitong Oktubre 15 na tinasa ang mga nagawa sa rehabilitasyon ng lahat ng ahensiya at pamahalaang lokal eksaktong isang taong sa binansagan ng mga Boholanon na “Great Earthquake.”
Nagpasalamat si Bohol Gov. Edgar Chatto sa ginawa ni Roxas na itinaya maging ang sariling buhay maipabatid lamang sa mga lokal na opisyales ang hangarin ng Pangulong Aquino na mapabilis ang rehabilitasyon sa lalawigan.
“Ganyan ang kailangan natin sa Pilipinas, nagpapakita ng statesmanship sa halip na namumulitika. At mayroong political will na kailangan sa kaunlaran hindi lamang ng Bohol kundi ng buong bansa”.