MANILA, Philippines – Muling sumadsad ang ratings ni Vice President Jejomar Binay sa pinakamababa simula nang manungkulan noong 2010 dahil sa kasunod ng kaliwa’t kanang kontrobersya tulad ng overpriced na Makati Parking Building.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Setyembre 26 hanggang 29, bumagsak ng 15 puntos ang net satisfaction ratings ng bise presidente.
Mula sa +67 noong Hunyo,+52 na lang ang ratings ni Binay bagama’t nananatili sa “very good.”
Sa +52,70% ng mga Pinoy ang nagsabing kuntento sa trabaho ni Binay habang 17% ang dismayado.
Nang umupo noong 2010, nag-umpisa sa 58 ang net satisfaction ratings ni Binay at sumadsad sa dating pinakamababa na +57 noong Nobyembre 2010.
Nito lang Marso 2014, +73 pa ang net satisfaction ratings ni Binay bago tuluyang bumaba.
Kabilang sa mga kontrobersyang kinahaharap ngayon ng bise presidente ay ang maanomalya umanong pagpapatayo ng Makati City Hall Building II at kuwestyunable umanong hacienda at mga negosyo.
Kamakailan ay lumabas sa resulta ng survey ng Pulse Asia na bumagsak ng 10 porsyento ang Presidentiable Survey Rating ni Binay noong Setyembre habang domoble ang angat ng rating ni DILG Secretary Mar Roxas na ngayon ay pumapangalawa na sa listahan ng mga nangungunang kandidato na pinagpipilian para maging susunod na Pangulo.
Pinabulaanan naman kahapon ni Senator Antonio Trillanes ang ulat na mayroong sabwatan ngayong nagaganap upang maitsapuwera sa 2016 presidential elections si Vice President Jejomar Binay.
Anya, walang katotohanan ang nasabing ulat at kung bumaba man ang rating ni Binay ay dahil nakikita ng mga mamamayan ang katotohanan sa mga isinagawang pagdinig sa Senado at hindi siya bahagi ng nasabing conspiracy theory at hindi maaaring ‘politically motivated” ang nangyayaring hearing.
Ikinagulat naman ng kampo ni Binay ang resulta ng pinakahuling survey.
Ayon sa tagapagsalita nitong si Governor Jonvic Remulla, nagpapasalamat sila sa publiko sa mataas pa ring ratings ng bise presidente sa kabila ng mga paninira rito