MANILA, Philippines – Hindi umano solusyon sa masikip na daloy ng trapiko sa lungsod ng Maynila ang 4 day work na nais ipatupad ng Civil Service Commission sa mga ahensiya ng gobyerno.
Ito ang sinabi ni Manila 1st District Councilor Ernesto Dionisio, Jr., at mas dapat na pagtuunan ng pansin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang paglilinis sa mga obstruction sa kalsada tulad na rin ng mga vendor at mga ginagawang talyer na sumasakop na sa kalye.
Anya, ang kalsada ay dapat lamang na para sa mga sasakyan at walang anumang mga harang na makakaabala sa daloy ng mga sasakyan.
Dagdag pa dito ang mga pagbubungkal sa mga kalsada, Department of Public Works and Highways (DPWH) at pagsasaayos ng mga water concessionaire.
Mas dapat anya na pairalin ng pamahalaan ang disiplina sa halip na pagpapatupad ng 4-day work kung saan posibleng masakripisyo ang trabaho ng mga empleyado.
Gayunman ay nakasalalay pa rin kay Manila Mayor Joseph Estrada kung ipatutupad ang 4-day work sa city hall, subalit kailangan pa rin itong dumaan sa konseho ng Maynila upang mapag-aralan kung may mga legal impediments.