MANILA, Philippines – Isang Swiss national ang natagpuang patay sa palayan matapos na pagsasaksakin ng hindi pa kilalang mga suspek na naganap sa Brgy. Togbongon, Surigao City, Surigao del Norte.
Ang nasawing biktima ay nakilala sa nakuhang identification card na nakuha sa katawan nito na si Florian Mayer, tubong Geneva, Switzerland.
Sa ulat, bandang alas-9:45 ng umaga nang matagpuan ang bangkay ni Mayer na duguang nakadapa sa palayan na nakasuot ng kulay itim na sando, maong na shorts at kulay itim na sapatos na nadiskubre ng isang Herbert Gibertas, 18 na napadaan lang sa lugar. Tadtad ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng biktima partikular na sa dibdib, leeg, ulo at bukod dito ay nagtamo rin ito ng mga galos sa kaniyang likod.
Ayon sa pulisya maaaring sa ibang lugar pinaslang ang biktima at itinapon lamang ito sa lugar upang ilihis ang imbestigasyon dahil sa mga bakas ng behikulo na nakita at nasa dalawa hanggang tatlo katao ang suspek dahil sa magkakaibang mga bakas ng paa na nakita.