Helper pinagbabaril habang nakatayo

MANILA, Philippines - Walang kaabog-abog na pinagbabaril ng dalawang lalaki ang isang 39-anyos na helper habang ito ay nakatayo kamakalawa ng gabi sa Parola Compound, Binondo, Maynila.

Ang biktima na namatay habang nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ay kinilalang si Alexander Almoguerra, binata, ng Area-H, Gate 56, Parola Compound, Binondo.

Nasugatan naman ang isang Ruby Barizo, ng A­rea-C, Gate 46 ng tamaan ng ligaw na bala sa pigi.

Sa ulat ng pulisya, pasado  alas-6:00 ng gabi habang nakatayo ang biktima sa Area-B Gate 46 sa Parola Compound nang biglang sumulpot ang dalawang  suspek at pinaputukan ang biktima.

Nang humandusay ay iniwan na ito habang ang ginang naman ay nagulat na lamang nang biglang may mainit na bagay na gumuhit sa kaniyang pigi.

Narekober sa lugar ang mga basyo ng bala ng kalibre 45 at 9MM.

Hinala ng pulisya na may kaugnayan sa iligal na droga ang motibo sa pamamaslang.

 

Show comments