MANILA, Philippines - Nabigyan ng pagkilala ang Pilipinas bilang “Destination of the Year 2014” sa ginanap na 25th Annual TTG Travel Awards 2014.
Ang nasabing travel awards ay inorganisa ng TTG Asia Media’s Travel Trade Publishing Group at mula taong 1989 ay nagbibigay na ito ng pagkilala sa pinakamahusay na travel trade sa Asya Pasipiko.
Nahirang bilang most outstanding destination para sa Asya Pasipiko ngayong taon dahil sa aktibo nitong pagpromote sa travel industry ng bansa.
Ang Destination of the Year ay nasa ilalim ng Outstanding Achievement Award at ang pagkilalang ito ay opisyal na tinanggap ni Tourism Secretary Ramon Jimenez Jr., sa isang awarding ceremony na idinaos sa Bangkok, Thailand.
Ang nasabing pagkilala ay iginawad sa Pilipinas ilang buwan bago ilunsad ng DOT ang kampanyang “Visit the Philippines Year 2015” kung saan paiigtingin ang paghikayat sa mga dayuhan na bumisita sa Pilipinas.
Target ng DOT na maabot ang inaasam na sampung milyong turista sa susunod na taon at ang highlights nito ay ang malalaking kaganapan partikular sa nakatakdang pagbisita ni Pope Francis sa unang buwan ng 2015 at ang Asia Pacific Economic Cooperation o APEC Ministerial Meetings and Leaders’ Summit. -Ludy Bermudo-