MANILA, Philippines - Dalawang lalaki ang nadakip matapos holdapin ang isang pampasaherong jeep sa kanto ng Padre Faura at Mabini Street sa Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa salaysay ng mga tauhan ng Manila Police District-Station 5, habang sila ay nagpapatrulya ay narinig nila ang isang matandang babae na sumisigaw ng “holdap, holdap” kaya agad na rumesponde.
Dito ay naaktuhan ang tatlong holdaper na bitbit ang gamit ng mga pasahero ng isang jeep.
Ang dalawang suspek ay kinilalang sina Romulo Quinta at Dan Bello habang nakatakas naman ang isa bitbit ang iba pang gamit na nakuha ng mga ito sa mga biktima.
Ayon sa mga pasahero, bigla na lang nagdeklara ng holdap ang tatlong suspek at binarahan ang daanan ng pinto ng jeep upang walang pasahero na makalabas.