MANILA, Philippines - Hindi natuloy ang pagbasa ng sakdal ng Mandaluyong City Regional Trial Court sa dalawang pulis na sangkot sa insidente ng hulidap sa EDSA, Mandaluyong City noong Setyembre 1.
Ang mga akusado na sina P/Chief Inspector Joseph de Vera at PO2
Jonathan Rodriguez na kapwa nahaharap sa kasong robbery in band at kidnapping for ransom na guwardiyado ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management
and Penology (BJMP) ay humarap kahapon sa pagdinig sa sala ni Mandaluyong City RTC Judge Carlos Valenzuela.
Hiniling ng kanilang abogado na si Atty. Jason Capil sa korte na talakayin muna ang kanilang inihaing motion to quash information gayundin ang kanilang motion to transfer custody bago sila basahan nang sakdal.
Nais ng mga akusado na mailipat sa Philippine National Police (PNP)
Custodial Center dahil umano sa mga banta sa kanilang buhay na kinontra ni Assistant Provincial Prosecutor Michael Henson Dayao.
Dumalo rin sa pagdinig ang mga biktima sa kaso na bantay-sarado ng tauhan ng Eastern Police District (EPD).
Binigyan ng hukom ang kampo ng prosekusyon ng 10-araw para magsumite ng komento sa inihaing motion to quash information ng depensa at limang araw para naman sa komento sa motion to transfer custody. Itinakda sa Oktubre 8 ang isang oral argument para sa dalawang mosyon.