Buntis na coed, in-abort ng nobyo

MANILA, Philippines - Isang 21-anyos na la­laking call center agent ang posibleng maharap sa kasong kriminal matapos na matukoy ng ospital na ang kanyang 18-anyos na nobya na dinala niya sa pagamutan ay nakunan matapos na painumin nito ng tableta na pampalaglag kahapon ng umaga sa Sta. Mesa, Maynila.

Nakaratay sa UERM Hospital ang biktima na itinago sa pangalang Nympha, estudyante, nanunuluyan sa isang boarding house sa Sta.Mesa, at tubong Pampanga.

Inimbitahan at isinasailalim sa interogasyon ang nobyo ng biktima na si Michael Constantin, tubong Tarlac at nanunuluyan sa Teresa St., Sta.Mesa, Maynila.

Sa ulat, dakong alas-6:00 ng umaga nang makatanggap ang pulisya ng tawag mula sa UERM Hospital  hinggil sa insidente ng abortion matapos na isugod doon ng suspek ang nobya kamakalawa ng gabi dahil sa hindi mapigilang pagdurugo ng ari.

Nakakuha ng impormasyon sa biktima na may tabletas na ipinai­nom sa kaniya ang nobyo matapos malalaman na buntis siya. Bukod sa isang pirasong tabletas na nainom niya nilagyan din umano siya ng nobyo sa kanyang ari ng 2 pirasong tabletas na pinaniniwalaang dahilan ng patuloy na pagdurugo ng kaselanan.

Ligtas na sa panganib ang biktima, subalit kumpirmadong nalaglag na ang dinadala nito sa sinapupunan.

Ang suspek ay maaa­ring sampahan ng kasong abortion o paglabag sa Article  258 ng Revised Penal Code kung mapapatunayan.

 

Show comments