MANILA, Philippines - Nabuwag ng mga awtoridad ang isang notoryus na gun for hire gang nang masakote ang lider nito at apat na tauhan kung saan dalawa rito ay responsable umano sa pagpatay sa alkalde ng Pangasinan sa isinagawang raid sa Sta. Rosa City, Laguna kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni PNP-CIDG Chief P/Director Benjamin Magalong ang nasakoteng lider ng gun for hire gang na si George Fajardo alyas Lorezo, may-ari ng sinalakay na farm state, kasama sina Ricardo de Rueda Jr.; Pablo Ortiz Javier; Norito Garfel at Estrella Lina. Bukod sa pagiging gun-for-hire gang ay sangkot rin ang grupo sa illegal gambling at illegal drugs operation.
Sinalakay ng mga awtoridad ang mga suspek dakong alas-3:10 ng madaling-araw sa ‘fighting cock farm’ sa Brgy. Makabling kung saan nakuha sa mga ito ang apat na matataas na kalibre ng armas, anim na pistol, 11 shotguns, 20 piraso ng cal 9 MM pistols, bulto ng mga bala, humigit kumulang sa isang kilo ng shabu, electronic weighing scale at mga drug paraphernalias.
Sa mga naarestong suspek ay dalawa ang lumitaw na sangkot sa pamamaslang kay Urbiztondo, Mayor Ernesto Balolong Jr. ng Pangasinan.
Magugunita na noong Hunyo 7, 2014 si Balolong ay tinambangan na ikinasawi rin ng security escort nitong si PO1 Eliseo Ulanday at supermarket electrician na si Edmund Meneses sa Urbiztondo Convention Center.
Si Balolong ay nagsasagawa ng pag-iinspeksyon sa lugar kaugnay ng gaganaping ika-25th Silver wedding anniversary nito at ng kaniyang misis na isasabay sana sa kasal ng kaniyang anak na si Councilor Voltaire Balolong noong Hunyo 8 ng mangyari ang insidente.
Ang insidente ay nagresulta rin sa pagkasugat ng apat pang katao kabilang ang isa pang aide ni Balolong na si Rex Ferrer.
Nai-turn over na kahapon sa tanggapan ng PNP-CIDG sa Camp Crame ang mga nasakoteng suspek.