MANILA, Philippines - Matapos na makapaglagak ng P500,000 na piyansa ang modelong si Deniece Cornejo kaugnay ng kinakaharap niyang kasong serious illegal detention na isinampa ng actor-tv host na si Ferdinand ‘Vhong’ Navarro ay naantala naman ang paglaya nito sa kanyang detention cell sa Camp Crame makaraang magkulang ang requirements ng kanyang release order.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Cornejo, ang cash bond na P500,000 ay kanilang inilagak sa Pasig City Regional Trial Court (RTC).
Inihayag pa ni Topacio, nakahanda ang kanyang kliyente na harapin ang kanyang mga kinakaharap na kaso na isinampa ni Navarro.
Lubos din nagpapasalamat ang kampo ni Cornejo kay Judge Paz Esperanza Cortes ng Taguig RTC branch 271 dahil kinatigan ang kanilang apela na makapagpiyansa.
Una nang nakalabas kamakalawa sa kanilang kulungan ang iba pang akusado na sina Cedric Lee at Simeon Raz.