Call center agent tiklo sa shabu
MANILA, Philippines - Kalaboso ang isang babaeng call center agent na suma-sideline sa pagbebenta ng iligal na droga matapos na maaresto sa isang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Cubao, iniulat kahapon.
Ang suspek ay nakilalang si Jenny Tecson, alyas “Jelai,” ng Block 2, Lot 9, Escopa IV, Project 4, sa lungsod.
Nadakip ang suspek ng tropa ng PDEA Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) sa may isang fastfood restaurant sa kahabaan ng General Mcarthur Avenue, Cubao, ganap na alas 5:30 ng hapon.
Dito ay nagbenta ang suspek ng shabu na may timbang na 175 grams sa PDEA agent na nagkunwaring bibili ng halagang P500, sanhi para siya arestuhin.
Ang operasyon ay kasunod ng pagkakasamsam ng PDEA noong Lunes sa shabu na nagkakahalaga ng P5 milyon sa dalawang pinaghihinalaang drug pusher sa may isang fast-food chain sa loob ng Ali Mall sa Cubao.
Kasong paglabag sa section 5, o selling dangerous drugs, sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kinakaharap ngayon ng suspek.
- Latest