FBI agent ginulpi ng 5 armado

MANILA, Philippines - Bugbog sarado ang isang ahente ng Federal Bureau of Investigation (FBI) nang ito ay pagtulu­ngang gulpihin ng limang armadong kala­lakihan dahil sa simpleng away sa trapiko kamalawa ng gabi sa Pasay City.

Ang biktima ay kinila­lang si FBI Special Agent Lamont Siler, nasa hustong gulang, nanunuluyan sa U.S. Embassy.

Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sakay ng isang kulay itim na Toyota Fortuner na may conduction sticker na YF 8560.

Sa ulat, bago nangyari ang insidente dakong alas-8:02 ng gabi sa kahabaan ng Roxas Blvd, south bound tapat ng CCP ay sakay ang biktima sa isang sasakyan na may special plate no. 27549 nang aksidenteng masagi ang itim na  Toyota Fortuner ng mga suspek.

Bigla umano hinarang ang sasakyan ng biktima ng dalawang SUVs na back up ng Toyota Fortuner kung saan apat hanggang limang suspek na pawang armado ng shotgun ang bumaba at pinalibutan.

Idinagdag pa ng biktima na isa sa mga suspek ang humila sa kanya palabas ng kanyang sasakyan.samantalang ang isa naman ay sinuntok siya sa sikmura.

Nagpakilala umano ang biktima na siya ay isang FBI special agent sabay na ipinakita niya ng kanyang ID at badge.

Dito  na tumakas ang mga suspek at pinaharurot ang kanilang sasakyan matapos isauli sa biktima ang  ID nito.

Show comments