SUV nag-overtake: 6 todas

MANILA, Philippines - Dahil sa umano’y pag-overtake ng isang Mitsu­bishi Montero sa nasa unahang sasakyan kung kaya’t nasalpok nito ang kasalubong na tricycle na ikinasawi ng 6 katao kabilang ang apat na estud­yante kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng national highway, Brgy. Larion Bajo, Tuguegarao City.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina James Calimag, 25, driver ng tricycle, mga pasahero nitong estud­yante na sina Annie Pagalilalauan, 19; Reyniemar Marribay, 19; Jenmar Soriano, 26, Diamond Nicole Talang, 22 at ang vendor na si Loreta Perciano, 49.

Malubha naman nasugatan ang dalawa pang estudyanteng sina Jeozo Tumanguil, 18 at Jezrill Como, 21 at nasugatan din ang driver ng Mitsubishi Montero na si Rey Pillos, 34, negosyante ng Brgy. Caritan Centro ng lungsod.

Sa ulat, bandang alas-8:30 ng gabi habang pauwi na ang mga biktima sa kanilang mga bahay sa bayan ng Penablanca sakay ng tricycle nang salpukin sila ng Mitsubishi Montero ni Pillos.

Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ng ilang metro at nagpagulong–gulong pa ang tricycle na ikinasawi at ikinasugat ng mga biktima habang nawasak naman ang harapan ng SUV.

Ayon sa pulisya, nang-agaw ng linya ng tricycle ang SUV nang tinangka nitong mag-overtake sa sinusundang isa pang sasakyan na nagbunsod sa malagim na sakuna.

Nahaharap ngayon sa kasong multiple homicide ang suspek.

Show comments