MANILA, Philippines – Naging mitsa ng buhay ng isang family driver ang baon na P100 matapos na saksakin ng mga holdaper nang ito ay pumalag kahapon ng madaling-araw sa Sta.Cruz, Maynila.
Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Benedicto dela Cruz, 52, ng no. 1045 Pedro Guevarra St., Sta. Cruz, Manila dahil sa tinamong saksak sa dibdib, likod, braso at tadyang.
Batay sa ulat, dakong alas-4:00 ng madaling araw ay naglalakad ang biktima sa panulukan ng Fugoso at M. Natividad Sts., para pumasok sa trabaho bilang family driver nang harangin ng apat na kalalakihan at inakbayan sabay hingi ng bag nito.
Tumanggi ang biktima na ibigay ang kanyang gamit sa pagsasabing damit at pagkain lamang ang laman ng kanyang bag.
Nairita pa ang mga suspek nang ayaw ring ibigay ang pera niya na P100 kung kaya’t sinaksak ito.
Ayon sa ka-live in ng biktima na tanging baon lamang na pagkain sa tanghalian ang laman ng bag at P100 pamasahe ang dala ni Dela Cruz.