MANILA, Philippines - Nasa 7 estudyante na ang naitalang nasawi sa trahedyang field trip ng Bulacan State University (BSU) matapos na matagpuan ang bangkay ni Maiko Eleva Bartolome kahapon ng umaga sa Madlum River, San Miguel, Bulacan.
Sa ulat, dakong alas-7:40 ng umaga ng marekober ang bangkay ni Bartolome na nadaganan ng malalaking bato kaya nahirapan itong makita agad ng search and rescue team ng pulisya at ng Philippine Army na nagtulong para marekober ang bangkay ng mga nalunod na estudyante.
Inihinto na ang search and retrieval operations dahilan natagpuan na si Bartolome na siyang huling biktima sa malagim na trahedya.
Magugunita na noong Martes ng magtungo ang 181 1st year Tourism Student ng BSU sa Madlum Cave para sa kanilang field trip sa Brgy. Sibul, San Miguel, Bulacan nang abutan ang mga ito ng rumaragasang baha habang tumatawid sa ilog bandang alas-3:00 ng hapon.
Pitong estudyante ang nilamon ng malakas na agos at dalawa naman ang sugatang nasagip.
Ang mga nasawi ay kinilalang sina Elena Marie Marcelo, Mickel Alcantara, Sean Rodney Alejo, Michelle Anne Rose Bonzo, Janet Rivera, Madel Navarro at Bartolome.