2 Holdaper utas sa off duty na Parak

MANILA, Philippines - Hindi napakinaba­ngan ng dalawang lalaki ang kanilang naholdap na salapi sa isang gasoline station matapos mabaril at mapatay ng isang off duty na pulis-Caloocan na rumesponde sa magkaangkas na holdaper nanaganap kamakalawa ng gabi sa Quirino Highway, Brgy. Baesa, Quezon City.

Inilarawan ang dalawang napatay na holdaper na ang isa ay nasa pagitan ng edad 30-35, may taas na 5’8”, medium built, nakasuot ng kulay itim na jacket at gray na 6 pocket pants; habang ang ikalawa ay nasa pagitan ng edad na 40-45, may taas na 5’6”, medium built, moreno at tadtad ng tattoo sa buong katawan.

Sa ulat, dakong alas-7:00 ng gabi sa Orange Fuel Gasoline Station na matatagpuan sa Quirino Highway, Jordan Valley Subdivision ay sakay isang motorsiklo ang dala­wang suspek at nila­pitan ang cashier booth at hinoldap.

Tiyempo naman dumating si PO2 Cesar Tolentino, nakatalaga sa Caloocan City Police Station para magpakarga ng gasolina ng bulungan siya ng gasoline boy na hinoholdap sila.

Nagpakilala itong pulis at sinabihan ang mga suspek na sumuko, suba­lit sa halip na sumuko ay binaril siya ng mga ito.

Gumanti ng putok si PO2 Tolentino at tinamaan ang dalawang suspek na nadala pa sa pagamutan, subalit namatay din.

 

Show comments