Slimming juices delikado sa kalusugan

MANILA, Philippines - Nagbabala ang Food and Drugs Administration (FDA) sa  publiko laban sa pagbili ng dalawang hindi rehistradong slimming juice na natuklasang nagtataglay ng Sibutramine na may potential cardiovascular risk.

Sa ipinalabas na advisory ni FDA  Acting Ge­neral Manager Kenneth Hartigan-Go, na ang na­sabing dalawang produkto ay ang “Vita Slim Appetite Suppressant Guava Flavored Juice” na ginawa ng United States Konmeger Pharmaceutical Co. Ltd. at ang “Leisure Burn Body Fat Orange Juice” na produkto naman ng America Huarui Sheng Pharmaceutical Co. Ltd.

Ang mga naturang produkto ay kapwa may claim na nakapagpapapayat  ngunit nadiskubreng may Sibutramine at hindi naman rehistrado sa FDA.

Iginiit ng FDA na sinuspinde na nila ang pag-manufacture, importasyon, distribusyon at marketing ng lahat ng Sibutramine pro­ducts (single component at Sibutramine-containing products) dahil sa ‘unnecessary cardiovascular risks’ nito sa mga pasyente, batay sa FDA Memorandum Circular No. 2010-019.

Hindi umano nakasaad sa label ng Vita Slim na may taglay itong Sibutramine, na nadiskubre ng FDA.

Samantala, ang Leisure Burn Body Fat Orange Juice naman, na ipinagbibili sa Tuguegarao City sa Cagayan, ay natuklasang may taglay rin na amphetamine na inilarawang isang mapanganib na gamot na ipinagbabawal sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang pagbebenta at distribusyon ng dalawang nabanggit na produkto ay lumabag sa  R.A. 9711 s. 2009 o ang FDA Act of 2009 at sa R.A. 3720 s. 1987.

Ipinag-utos na rin ng FDA ang agarang pagkumpiska sa mga produkto sa merkado sa tulong ng mga local government units, upang matiyak na hindi na ito mabibili pa ng mga consumers.

 

Show comments