MANILA, Philippines - Dedo ang dalawang miyembro ng New People’s Army nang makasagupa ang tropa ng militar sa Brgy. Binicalan, San Luis, Agusan del Sur nitong Biyernes ng tanghali.
Ayon kay Major Gen. Ricardo Visaya, Commander ng Army’s 4th Infantry Division (ID), bandang alas-11 ng tanghali ng makasagupa ng mga elemento ng Army’s 26th Infantry Battalion (IB) ang nasa 20 rebeldeng NPA sa lugar habang nagsasagawa ng security patrol operation ang mga ito.
Sa nasabing pagpapanagpo ay agad nagbakbakan ang mga ito sa pagitan ng magkabilang panig at sa gitna ng bakbakan ay napatay ang dalawang rebelde habang mabilis naman na nagsitakas ang iba pa.
Kasalukuyan namang inaalam ang pagkakakilanlan sa mga napaslang na rebelde na pawang mula sa Guerilla Front Committee 88 na aktibong nagsasagawa ng operasyon sa ilang bahagi ng CARAGA Region.
Wala namang nasugatan sa panig ng tropa ng pamahalaan at nakarekober din ng walong matataas na kalibre ng armas na naiwan ng mga nagsitakas na rebelde sa encounter site.