MANILA, Philippines - Dinakip ng mga otoridad ang tatlong katao na kinabibilangan ng isang pulis at anak nito nang makumpiskahan ng mga illigal na droga at mga armas sa isang raid sa Nueva Ecija.
Ang mga suspek ay kinilalang sina PO1 Danilo Ingalla Jr., 42, miyembro ng Caloocan City Police, anak na si Danilo III, 20, kapwa ng Barangay Zamora, Santa Rosa, Nueva Ecija; at Ryan Julian, 36, ng Barangay Sumacab Sur, Cabanatuan City ng lalawigan.
Sa ulat, dakong alas-2:00 ng hapon nang arestuhin ang tatlong suspek ng mga operatiba ng PDEA Regional Office 3 (PDEA RO3) Municipal Police Station, Provincial Public Safety Company-Nueva (PPSC-NEPPO) at Provincial Intelligence Branch (PIB)-NEPPO) matapos mag-isyu ng search warrant si Judge Cielitolindo Luyun ng RTC Branch 36, Gapan City Nueva Ecija sa bahay ng mga ito.
Narekober ang apat na sachets ng shabu, drug paraphernalias, isang caliber 5.56 Colt AR-15 A2 M16 rifle na may isang magazine na may 20 pirasong bala; dalawang magazine ng M16 na may 31 piraso ng bala, tatlong karton ng bala ng caliber 5.56 na may 82 piraso ng bala, isang high-capacity magazine para sa caliber.45 na may walong piraso ng bala, at isang 12-gauge shotgun.