MANILA, Philippines - Idineklarang dead-on-arrival sa Ospital ng Maynila ang isang Tsinay trader nang ito ay pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo sa isang ambush kamakalawa ng hapon sa Sampaloc, Maynila.
Ang biktima na nasawi dahil sa dalawang tama ng bala sa mukha ay kinilalang si Mary Li, 58-anyos, no. 27 Pelicares St., Green Meadows, Quezon City, may-ari ng isang kilalang chicken fast food restaurant.
Dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklong walang plaka, na kapwa nakasuot na helmet ang mabilis na tumakas.
Sa ulat, dakong alas-5:10 ng hapon sakay ang biktima sa second row ng nasabing Starex van na minamaneho ng kaniyang driver na si Ruel Dumdum, 36 at kasama sa loob ng sasakyan ang branch manager na si Arlene Rizano, 27, nang dikitan ng mga suspek ang kanang bahagi kung saan nakaupo ang biktima at pinagbabaril.
Hindi idinamay ng mga suspek ang driver at ang branch manager at walang tinangay na anuman mula sa biktima. Nagmadaling tumakas sa direksiyon ng Lardizabal Street ang mga suspek.