2 bagets nilamon ng ilog

MANILA, Philippines - Dalawang binatilyo ang umano’y nawawala matapos ang mga itong lamunin ng malakas na agos ng tubig habang tumatawid sa Agno River, Pangasinan kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region 1, kinilala ang mga pinaghahanap na biktima na sina Rodnel Justo, 15 at Ronald Perez; pawang residente ng Brgy. Diaz sa bayan ng Agno.

Magkasama umanong tumawid ng ilog ang da­lawang biktima dakong alas-2 ng hapon habang kasagsagan ng masu­ngit na panahon dahil sa bagyong Jose na nagdulot ng malalakas na pag-ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng lalawigan ng Luzon. Ngunit sa kabila nito ay naglakas loob pa rin na tumawid ang  mga ito sa rumaragasang ilog.

Nabigo naman ang mga itong mailigtas ng kanilang mga kasamahan dahil sa bilis ng pangyayari.

Patuloy naman ang isinasagawang search ope­rations ng mga awtoridad upang hanapin ang dalawang binatilyo.

Show comments