MANILA, Philippines - Nasawi ang 21 sibilyan kabilang ang ilang mga bata nang ratratin ng nasa 50 bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) ang sinasakyan nilang dalawang Tamaraw jeepney na naganap kahapon ng madaling-araw sa Talipao, Sulu.
Kinilala ang mga nasawing sina Padzma Hasan; Misyaar Hasan,14; Maida Hasan, 35; Jirmalyn Hasan, 14; Dadah Palahuddin, 85; Mura Ahadan, 60; Jainab Ajid, 50; Milina Ahadan, 15; Miriam Binhur, 19; Nurfaisa Gappar, 14; Dayang Ahadan, 19; Tatga Isahac, 40; Risalyn Isahac,7; Saik Ajid, 45; Said Palahuddin, 35; Abdul Julhari, 83; Baris Julhari, 19; Abdukahal Ahadan, 19; Abdulharim Isahac Omar habang inaalam pa ang pangalan ng ibang nasawi.
Sa ulat na natanggap ni Brig. Gen. Martin Pinto, Commander ng 2nd Marine Brigade na naganap ang pananambang sa mga biktima sa highway ng bayan ng Talipao dakong alas-8:30 ng umaga.
Batay sa imbestigasyon, nasa 40 sibilyan ang sakay ng dalawang Tamaraw jeep na binabagtas ang nasabing highway sa liblib na lugar sa bayan ng Talipao nang paulanan ng bala ng mga bandido.
Mabilis na nagresponde sa lugar ang tropa ng Philippine Marines at 16 bangkay ang narekober sa ambush site, habang 5 ang nasawi sa hospital.
Mabilis na isinugod sa pagamutan ang mga nasugatan. Nagsagawa ng hot pursuit operations ang mga otoridad laban sa grupo ng Abu Sayyaf.