AFP at PNP magtutulungan sa seguridad ng SONA

MANILA, Philippines - Magtutulungan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na mangangalaga sa seguridad sa gagawing ika-5 State of the Nation Address ng Pangulong Benigno Aquino III ngayong araw.

Ayon kay Lt. Col. Ramon Zagala, hepe ng public affairs office ng AFP, ang nasabing mga unit ay nasa ilalim ng pamamahala ng kanilang Joint Task Force-National Capital Region.

Ang tropa ay kinabibilangan ng 400 officers at enlisted personnel, kasama din ang mga eksperto mula sa medical, explosive ordnance disposal, K-9 at crowd dispersal at management units.

“All of these will be placed under the disposal of the PNP National Capital Region Police Office,” dagdag ni Zagala.

Aabot sa 10,000 PNP officers  ang ipapakalat sa buong paligid na pagdadausan ng SONA ng pangulo, partikular sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, hanggang Batasan Complex.

Nauna rito, sinabi ni QCPD director Police Chief Supt. Richard Albano, na paiiralin pa rin nila ang maximum tolerance sa mga raliyista na magsasagawa ng kilos protesta sa nasabing mga lugar.

Nagtalaga rin si Albano ng mga lugar, para sa mga raliyista para na rin sa katiyakang pang-seguridad habang nagtatalumpati ang pangulo.

Show comments