MANILA, Philippines - Aarestuhin at ipaghaharap ng kaso ng mga pulis ang manggugulong raliyista sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Benigno Aquino III bukas.
Ito ang inihayag ni Super Task Force Kapayapaan SONA 2014 Commander at NCRPO Chief P/Director Carmelo Valmoria.
“We will implement maximum tolerance on the demonstrators however if they resort to violence we will resolve to arrest, hindi natin papayagan yan”, pahayag ni Valmoria at ipaghaharap rin ang mga ito ng kasong kriminal.
Ang Super Task Force Kapayapaan ay isinailalim sa full alert dakong alas-3:00 noong Biyernes kaugnay ng SONA ng Pangulo at hanggang Eid Fitr o ang piyesta ng mga Muslim sa pagtatapos ng Ramadan sa darating na Martes (Hulyo 29).
Sinabi ni Valmoria na bilang isang demokratikong bansa ay hindi naman pipigilan ang mga demonstrador na maghayag ng kanilang mga saloobin pero dapat na ilagay sa lugar.
Ang mga raliyista ay pinapayagang magrally sa mga itinakdang rally zone at upang maiwasan ang kaguluhan ay umapela ang opisyal sa mga organizer ng mga kilos protesta na isagawa ang kanilang rally sa maayos na paraan.
Inihayag ni Valmoria na kasado na ang lahat ng seguridad na kanilang ipatutupad sa ikalimang SONA ni P-NOy kung saan nasa 10,000 pulis ang idedeploy sa bisinidad ng Batasan Complex na pagdarausan ng SONA, Mendiola sa palibot ng palasyo ng Malacañang at maging sa mga istratehikong lugar.
Nakaalerto rin ang PNP kaugnay naman ng idaraos na centennial celebration ng Iglesia ni Cristo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ngayong araw.