MANILA, Philippines - Kinasuhan ng plunder sa tanggapan ng Ombudsman sina Vice President Jejomar Binay at anak nito na si Makati City Mayor Junjun Binay kaugnay ng umanoy overprice na pagpapatayo ng 11 palapag na bagong Makati City Parking Building sa nabanggit na lungsod.
Sa reklamo nina Atty.Renato Bondal at Nicolas Enciso, mga dating barangay chairman at kapwa miyembro ng United Makati Against Corruption (UMAC), umabot sa P1.56 bilyon ang contract price ng naturang gusali kahit ito ay may halaga lamang na P245.56 milyon.
Binanggit ng mga complainant na nagkaroon ng overprice na P1.314 bilyon sa pagpapatayo sa parking building na itinayo noong 2007 noong si Vice President Binay pa ang Mayor ng Makati at natapos noong 2013 na ang Mayor na ay ang anak nitong si Junjun.
Anila, nilabag ng mag-amang Binay ang anti-graft and corrupt practices act na may kinalaman sa Anti-Plunder Law.
Kasama din sa plunder ang 20 city councilors na nanungkulan noong 2007 hanggang 2013 na sinasabing kakutsaba sa naturang proyekto.