MANILA, Philippines - Na-rescue kahapon ng mga awtoridad ang 36 na kababaihan sa ginawang pagsalakay sa isang recruitment agency sa Las Piñas City na hinihinalang ginagawang front ng human traffricking.
Ang mga kababaihan na pinaniniwalaang biktima ng illegal recruitment matapos ang lima sa kanilang kasamahan ay nagawang makapag-report sa Criminal Investigation and Detection Unit hingil sa kanilang karanasan.
Nadakip din sa operasyon ang isang Singaporean national, na isang Yvone Phua, at 13 Filipinos.
Tinukoy naman ni Chief Insp. Elizabeth Jasmin, tagapagsalita ng CIDG ang iba pang nadakip na illegal recruiters na sina Michael Abellar at kanyang asawang si Joy, isang Eric, Emma at Mandy.
Isinagawa ang raid ng mga tauhan ng CIDG, local DSWD at ng Philippine Overseas Employment Administration sa De Castro Building sa Villa Eusebia, Barangay E. Aldan, Las Piñas City, ganap na alas 8:30 ng gabi.
Ayon kay Jasmin, ang mga nadakip na suspek ay miyembro ng PEM Maid Employment Agency na sinasabing kulang ng otorisasyon sa POEA para kumuha at magpadala ng mga manggagawa sa ibang bansa.
Sinasabing ang mga kababaihan ay mula sa iba’t-ibang parte ng bansa na ni-recruit ng ahensya para magtrabaho bilang kasambahay sa abroad.
“The applicants also allegedly suffered some abused since they were made to train beyond the prescribed number of hours. The firm offers trainings on baby sitting, caregiver, and domestic helper but without the POEA license”, sabi ni Jasmin.
Narekober din ng CIDG sa raid ang ilang log books, isang certificate na naka tie-up sa ibang recruitment agencies at mga papeles ng mga aplikante.
Sanabi ni Jasmim, sa ngayon ay inihahanda na nila ang kasong human trafficking at illegal recruitment laban sa mga suspek habang nakikipag-ugnayan sa Bureau of Immigration hingil sa estado ng Singaporean national.