MANILA, Philippines - Lumawak ang isinailalim ng PAGASA sa storm warning signal number 3 dahil sa bagyong ‘‘Glenda’’.
Ayon sa PAGASA as of 2 p.m. kahapon si Glenda ay namataan sa layong 60 kilometers ng north northeast ng Catarman, Northern Samar.
Habang papalapit si Glenda ay isinailalim ng PAGASA ang signal no. 3 sa lalawigan ng Catanduanes, Albay, Sorsogon, Camarines Sur, Camarines Norte, Masbate kasama na ang Burias and Ticao Islands, Southern Quezon, Marinduque, Northern Samar, northern part ng Samar at Eastern Samar.
Ang mga lugar na ito ay asahan ang 101-185 kilometers per hour (kph) ng hangin sa loob ng 18 oras.
Itinaas naman sa Signal no. 2 (61-100 kph winds na aasahan sa loob ng 24 hours ay ang Northern Quezon, kabilang ang Polilio Island, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan,
Pampanga, Bataan, Biliran, rest of Samar, rest of Eastern Samar, Northern part ng Leyte, Metro Manila.
Ang Signal no.1 (30-60 kph ng lakas ng hangin ay asahan sa loob ng 36 oras) ay Romblon, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija,
Nueva Vizcaya, Quirino Benguet, La Union, Pangasinan, Aurora, Southern part ng Leyte Camotes Islands, Northern Cebu, kasama ang Cebu City.
Habang isinusulat ang balitang ito ay sinabi ng PAGASA na si Glenda ay may lakas ng hangin na 130 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna na aabot sa 160 kph.
Napanatili ni Glenda ang kanyang bilis na 24 kph.
Inasahan ng PAGASA na nagla-landfall si Glenda kahapon ng hapon sa Albay-Sorsogon area.
Matapos na ito ay mag-landfall, magtutungo naman ito sa Southern Luzon at Metro Manila, at dadaan ito sa Zambales area palabas ng bansa ngayong hapon.
Samantala, tinatayang aabot sa 99,097 pamilya ang inilikas sa Bicol Region at Visayas habang patuloy ang paglakas ng bagyong Glenda na naispatan sa Albay Gulf.
Ayon kay Rafael Alejandro IV, Director ng Office of Civil Defense Region V, bandang alas-3:00 ng hapon kahapon nang ipatupad ang preemptive evacuation sa mga Bicol Region na binabayo ng bagyong Glenda.
Si Glenda ay tumama sa kalupaan ng Albay dakong alas-8:00 hanggang alas-9:00 kagabi.