MANILA, Philippines - Pagpapaliwanagin ng Senate Committee on Finance si Budget Secretary Florencio “Butch” Abad tungkol sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ayon kay Senator Francis “Chiz” Escudero, chairman ng komite, papaharapin sa imbestigasyon si Abad sa Hulyo 21 upang ipagpatuloy ang imbestigasyon na unang sinuspinde ng Senado dahil sa ginawang pagdinig ng Supreme Court hinggil sa legalidad nito. Matatandaan na ilang bahagi ng DAP ang idineklara ng SC na labag sa Konstitusyon.
Inatasan rin ni Escudero si Abad na isumite sa komite ang kumpletong listahan ng lahat ng Special Allotment Release Orders o SARO na ipinalabas sa ilalim ng DAP kabilang na ang mga proyekto, purposes at kung magkano ang inilabas na pondo.
Aniya, dapat linawin ni Abad kung bakit hindi nagta-tally ang ulat na ang kabuuang pondo ng DAP ay P327 bilyon gayong P200 bilyon lamang ang kabuuan na ibinigay na report ng DBM sa komite.
Ipapatukoy rin ng komite kay Abad ang mga fund releases sa ilalim ng DAP na ayon sa Supreme Court ay labag sa Konstitusyon.