2 sundalo inutas ng NPA rebels

MANILA, Philippines - Binistay ng bala ang dalawang sundalo ng mga pinaghihinalaang mi­yembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kahapon ng umaga sa Brgy. Anitapan, Mabini, Compostela Valley.

Ang dalawang nasawi ay kinilala sa mga apelyido lamang na Private Teodoro at Private Padasao, pawang ng 2nd Squad, 2nd Platoon ng Army’s 71st Infantry Battalion.

Sa ulat, bago naganap ang ambush dakong alas-3:00 ng madaling-araw sa ika-38 piyestahan ng barangay  na ginaganap sa gymnasium ay nagtungo sa lugar ang dalawang sundalo upang makipamiyesta nang pagbabarilin ng mga armadong rebelde na humalo sa mga sibil­yan habang pabalik na sa Anitapan Patrol Base.

Walang dalang armas ang dalawang sundalo na kapwa nakasibilyan ng magtungo sa lugar nang matiyempuhan ng mga rebelde.

Ang dalawang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa cal. 45 pistol.

Nagsagawa na nang hot pursuit operations ang tropa ng militar laban sa grupo ng mga rebelde.

 

Show comments