MANILA, Philippines - Inilagay ng Department of Justice (DOJ) ang isang miyembro ng Tau Gamma Phi (TGP) fraternity na kasamang nagsagawa ng initiation rites sa nasawing si DLSU-St. Benilde College student Guillo Servando.
Gayunman, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima hindi nila maaaring ibunyag ang pangalan ng state witness na sumuko kamakalawa sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon dito nasaksihan niya ang initiation rites kay Servando at handa umano nitong idetalye ang kanyang nalalaman sa naganap na hazing.
Nagsumite na rin ng kanilang affidavit ang iba pang hazing victims na sina John Paul Raval at Lorenze Agustin. Hinihintay pa rin ng mga otoridad ang affidavit ng ikaapat na biktima.
Kabilang sa mga miyembro ng TGP na sinasabing sabit sa hazing ay sina Tau Gamma chapter president Cody Morales, master initiator Emeng Calupas, fraternity secretary Daniel Martin Bautista, Pope Bautista, Hans Tamaring, Trex Garcia, Kevin Navoa, at Carl Floresca.
Kinumpirma din ni Immigration Commissioner Siegfed Mison na nakaalis na ng bansa ang isa sa mga suspek sa hazing na si Navoa.
Batay sa record, umalis ng bansa si Navoa patungong Estados Unidos noong Hulyo 1, tatlong araw matapos na mangyari ang hazing noong Hunyo 28 sa Calatagan St. Bgy. Palanan, Makati City.
Tiniyak naman ni Mison na nasa bansa pa ang ibang suspek sa hazing.
Hindi naman umano maaaring pigilan ang sinuman na umalis ng bansa kung walang hold departure order mula sa korte. Wala din naman umano silang natatanggap na anumang reklamo laban sa mga suspek.
Maaari anya na pabalikin sa bansa si Navoa kung kakanselahin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang kanyang pasaporte.