Humirit ng hospital arrest... Abnormal ang tibok ng puso ni Enrile

MANILA, Philippines - Dahilan sa abnormal ang tibok ng puso ng 90-anyos na si Senador Juan Ponce Enrile na pansamantalang  nasa kustodya ng PNP Ge­neral Hospital sa Camp Crame ay isasailalim ito sa echocardiogram  test o masusing pagsusuri sa puso.

Ito ang inihayag ni Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, Chief ng PNP Public Information Office, batay sa rekomendasyon ng mga doktor ng PNP General Hospital na gagawin ngayong alas-8:30 ng umaga.

Ayon kay Sindac ang blood pressure ni Enrile ay 140/70, 63 ang pulse rate kada minuto at nasa 36 naman ang temperatura ng katawan nito.

Magugunita na sumuko noong Biyernes si Enrile kasunod ng ipinalabas na warrant of arrest ng 3rd Division ng Sandiganbayan sa kaso nitong plunder kaugnay ng pagkakasangkot sa P10 bil­yong pork barrel scam.

Sa darating na Hul­yo 12 ay muli namang dadalhin si Enrile sa Asian Eye Institute sa Rockwell, Makati City upang mu­ling magpa-eye injection sa kanan naman nitong mata bunga ng problema nito sa lumalabong pani­ngin na posibleng ikabulag ng senador.

Samantala, batay sa tatlong pahinang mos­yon ni  Enrile sa Sandiganbayan ay humiling ito na ma-hospital arrest sa PNP General Hospital dahil sa mas kailangan niyang manatili sa naturang pagamutan upang malapatan ang kanyang pangangailangang medical dahil sa kanyang kondisyon at kanyang edad.

Hiniling din ni Enrile sa graft court  na payagan siyang makapagpasuri sa labas ng Camp Crame dahil kailangan niya para sa mga iniindang sakit  laluna ng kanyang mga mata.

 

Show comments