MANILA, Philippines - Naka full alert ngayon ang buong puwersa ng Philippine National Police sa Mindanao, bilang bahagi ng seguridad.
Sa kalatas na ipinamahagi ng PNP-Public Information office sa pamumuno ni Police Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, aksyon ito ng kanilang kagawaran base sa kautusan ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, base sa impormasyong natanggap kaugnay sa posibleng banta ng terorismo sa Region 11, partikular sa Davao City.
Gayunman, hindi muna nila ibubunyag ang nasabing ulat upang hindi makumpromiso ang patuloy na security operation ng kanilang kagawaran at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa lugar.
Nanatiling naka-alerto anya ang anim na Police Regional Offices sa Mindanao para matiyak ang kanilang kahandaan at kapasidad sa pagresponde sa lahat ng posibleng anumang mangyari.
Tiniyak ng PNP sa mga mamamayan ang patuloy pagiging vigilante laban sa anumang ulat ng karahasan.