Sen. Jinggoy babasahan ng sakdal

MANILA, Philippines - Babasahan ng sakdal ngayong araw ng Sandiganbayan si Sen. Jinggoy Estrada dahil sa kinakaharap na kasong graft at plunder kaugnay ng pork barrel scam.

Kabilang sa babasahan ng demanda ay ang tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles at iba pang akusado sa anomalya.

Ayon sa Quezon City Police District, may kabuuang 150 pulis ang ipapakalat sa paligid ng Sandi­ganbayan para ma­ngalaga sa kaayusan at seguridad sa pagdating ng mga nabanggit na perso­nalidad.

Inaasahan umano ng pamunuan ng QCPD ang posibleng pagdating ng mga magsasagawa ng kilos protesta, gayundin ang mga supporters ng senador kung kaya kailangang doblehin ang seguridad sa lugar.

Mula sa PNP Custodial Center, inaasahang sasalang ang Senador at iba pang akusado sa arraignment sa Sandiganbayan 5th Division.

Unang pagtutuunan ng pansin ng PNP ang pag-escort sa mga akusado, pagbabantay sa mga hurado, magkokontrol sa mga taga-suporta ng senador at mag-aayos ng trapiko sa Commonwealth Avenue.

Habang nananatili sa Custodial Center sa Camp Crame ay patuloy ang pagbisita ng mga kilalang personalidad kina Sens. Jinggoy at Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.

Pangunahing namataang bumisita sa dalawang Senador ang actor na si Philip Salvador at showbiz writer na si Lolit Solis.

Hindi naman nagpa-unlak ng panayam si Philip habang si Lolit ay sinabing, ito ang unang pagkakataon na dumalaw sa dalawa kung kaya nagdala siya ng pagkaing paborito ni Sen. Bong tulad ng salad, at barbeque.

Payo ng showbiz colum­nist sa dalawang senador na panatilihing maging malakas ang loob at naniniwalang malalampasan din nila ang pagsubok sa kanilang buhay.

Base sa panuntunan ng PNP, Linggo at Huwebes lamang ang itinakdang araw para sa pagdalaw sa dalawang senador at ito ay magsimula dakong alas-9:00 hanggang alas-3:00 ng hapon.

Gayunman, maaring dumalaw anumang oras ang kanilang mga abogado, spiritual leaders, doctor, gayundin ang mga miyembro ng immediate family ng mga ito basta may koordinasyon sa mga awtoridad.

Show comments