Buhay inutang, bayad buhay
MANILA, Philippines - Kung buhay ang inutang dapat din bayaran ng buhay.
Ganito ang ginawa ng isang 18-anyos na binata nang resbakan at patayin nito ang isang 54-anyos na magsasaka na pumatay sa kanyang amain naganap kamakalawa sa Brgy. Kauswagan, Loreto, Agusan del Sur.
Ang biktima na namatay noon din ay kinilalang si Leoncio Villamor, 54 anyos, residente sa lugar.
Agad tumakas ang suspek na si Isagani Galo, matapos na mapaslang ang biktima na unang pumatay sa pamamagitan ng paglaslas ng leeg sa kanyang amain na si Virgilio Silawan, 55.
Sa ulat, bago nangyari ang pagpatay kay Villamor ni Galo, dakong ala-1:10 ng hapon sa nasabing lugar ay nakatalo nito ang amain ng suspek na si Silawan habang sila ay nag-iinuman.
Nabatid na pinagsabihan ni Villamor si Silawan na tigilan na ang pakikisimpatiya at pagsuporta nito sa mga rebeldeng New People’s Army dahilan wala itong mahihita at nagagamit lamang ng komunistang grupo.
Hindi nagustuhan ni Silawan ang sinabi ni Villamor hanggang sa sila ay magkaroon ng pagtatalo na nauwi sa pagbunot ng patalim ng huli at nilaslas ang leeg.
Nakita ni Galo ang ginawa ni Villamor sa amain kung kaya’t kumuha rin ito ng patalim at pinagsasaksak ang huli na agad nitong ikinasawi.
Nadala pa sa ospital si Silawan, subalit idineklara itong dead on arrival.
- Latest