Ceiling fan nag-overheat... 2 paslit nalitson

MANILA, Philippines - Nalitson ang dalawang paslit na magkapatid matapos na makulong ang mga ito sa loob ng nasusunog nilang tahanan sa Brgy. Bato, Sibonga,  Cebu kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawing biktima na  sina Ezequiel Gab Sarnillo, 4-anyos at Philip Hans Sarnillo, isang taong gulang; kapwa hindi na makilala sanhi ng grabeng pagkasunog ng mga katawan nang maganap ang sunog dakong alas-3:00 ng hapon.

Pinaniniwalaan ang nag-overheat na ceiling fan ang naging sanhi ng sunog kung saan kumalat agad ang apoy nito dahil gawa lang sa kawayan at pawid ang bahay ng pamilya Sarnillo.

Tanging ang magkapatid lang umano ang naiwan sa kanilang bahay dahil nagtatrabaho ang kanilang ama habang ang ina naman ay may binili sa tindahan sa kanilang lugar.

Narinig pa umano ng mga kapitbahay ng mag-asa­wang Sarnillo ang iyakan ng mga bata pero hindi nila ang mga ito pinansin sa pag-aakalang ordinaryong kinakastigo lamang ang mga ito ng kanilang ina sanhi ng kakulitan.

Show comments