De Lima, Soliman, Paje kinumpirma ng CA

MANILA, Philippines - Sa wakas kinumpirma na ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang mga  appointments nina Justice Secretary Leila de Lima, Social Welfare Secretary Dinky Soliman, at Environment Secretary Ramon Paje.

Bukod dito ay nakalusot din sina Commission on Audit (COA) Commissioners Haydee Mendoza at Jose Fabia.

Halos “unanimous” ang naging boto ng mga miyembro ng CA sa kumpirmasyon ng mga opisyal at tanging si Senator Serge Osmeña III ang nagrehistro ng negatibong boto para kay Paje nang isalang na ito sa plenaryo.

Nauna rito, sa hea­ring ng CA committee on justice kung saan unang nakalusot si De Lima iginisa ito ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada pero kabilang rin ang senador sa  mga bomoto ng pabor sa pagkumpirma sa kalihim.

Lumapit pa si Estrada kay De Lima matapos ang kumpirmasyon sa committee level kung saan sinabi ng senador na naging totoo siya sa kanyang pangako na hindi haharangin ang kumpirmasyon nito.

Walang kahirap-hirap ring nakalusot sa CA si Soliman sa gitna ng naging banta ni Senator Miriam Defensor-Santiago na haharangin nya ito.

Magbubukas sa Hulyo 28 ang second regular session ng 16th Congress kung saan gagawin ang State of the Nation Address ni Pa­ngulong Benigno Aquino III.

Show comments