Naningil ng pautang, binayaran ng kamatayan

MANILA, Philippines - Kamatayan ang naging kabayaran sa isang lalaki na naniningil ng pautang na P1,000 sa isang adik matapos na siya ay pagbabarilin nito kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Ang biktima na namatay noon din ay nakilalang si Arnolfo Cerna, alyas Peijing, 45, driver, ng Phase 9, Package 9, Block 108, Excess Lot, Brgy. Bagong Silang, ng naturang lungsod.

Ang suspek na tumakas ay kinilalang si Sonny Cledero, alyas “Amo”, naninirahan din sa naturang lugar.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bago nangyari ang pamamaril sa biktima dakong alas-6:00 ng umaga sa kahabaan ng Phase 4-C, Package 6, Block 41, Excess Lot, Bagong Silang ay nanghiram ang suspek sa biktima ng P1,000 nito para pambili ng shabu na agad din babayaran kinabukasan.

Dahil sa may tiwala ang biktima at kinabukasan din ay babayaran ang P1,000 ay pinautang ito.

Kaya’t kahapon ay nagpaalam ang biktima sa nanay na pupunta sa bahay ng suspek para singilin ang utang, subalit pagdating doon ay ayaw itong magbayad hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo at kasunod ay pagbaril sa una.

Show comments