MANILA, Philippines - Malaki ang hinala ng otoridad na ang nabaÂwing 45 piraso na AK 47 assault rifles ay bahagi ng mga nawawalang mahigit 1,000 na nabigyan ng lisensya ng PNP na napasakamay ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa CARAGA Region.
Ayon kay Captain Alberto Caber, Chief ng Public Affairs Office ng AFP-EasÂtern Mindanao Command (AFP-Eastmincom) lima sa nakumpiskang modernong AK-47 assault rifles ay nakumpirmang parte ng mga nawawalang baril.
Subalit, sinabi ni Caber na pawang ‘tampered’ na ang mga serial number kaya mahihirapan silang matukoy kung ito ay kabilang sa pinaghahanap na nawawalang mga armas na sinasabing napunta sa kamay ng NPA rebels.
Ang naturang mga armas ay narekober umpisa pa noong huling bahagi ng 2013 hanggang sa kasalukuyan sa serye ng engkuwentro ng tropa ng militar at ng NPA rebels partikular na sa CARAGA Region kung saan sinasabing naikalat ang naturang mga AK 47 assault rifles na nabili pa galing sa bansang Russia.
Ang iba sa nasabing mga armas ay nakumpiska naman sa iba pang bahagi ng Eastern Mindanao kabilang na sa pinamumugarang lugar ng mga rebeldeng NPA sa Cotabato.
Ang iba naman nabaÂwing AK 47 rifles ay isinuÂrender ng mga nagsisukong rebelde mula sa CARAGA Region na kinabibilangan ng mga lalawigan ng Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte at Agusan del Sur.
Pinakahuli sa nasamsam na mga armas ay apat na AK-47 assault rifles na nakuha naman ng Army’s 30th Infantry Battalion sa 20 minutong pakikipagbakbakan sa NPA rebels sa Brgy. Cambuayon, Bacuag, Surigao del Norte noong Hunyo 8. Ang nasabing matataas na kalibre ng baril ay positibong natukoy na kabilang sa 1,004 na nawawalang mga armas.