Mandamyento de aresto ng korte, ibinasura ng CA

MANILA, Philippines - Ibinasura ng Court of Appeals ang kautusan ng Quezon City Regional Trial Court kaugnay sa pag-aresto ng dalawang magkapatid na nakasuhan ng indirect contempt of court dahil sa usapin sa mana.

Sa ipinalabas na desisyon nitong Mayo 28, pinatigil nina CA Justices Rebecca de Guia-Salvador, Danton Bueser, at Ramon Garcia ang arrest warrant na ipinalabas ni QC RTC Judge Manuel Sta. Cruz, Jr. laban kay Anna Marcelo-Revilla dahil sa kasong sibil na indirect contempt na inihain ng tiyuhin nitong si Jose Marcelo, Jr.

Una nang nagpalabas sina CA Justices Francisco Acosta, Edwin Sorongon, at Soccoro Inting ng injunction para ipatigil ang pag-aresto sa kapatid nitong si John Steven Marcelo na nakasuhan nang kaparehong kaso.

Kinumpirma rin ng CA ang una nitong kautusan noong Marso na nagbabasura sa ipinalabas na desisyon ni QC Judge Sta. Cruz noong Pebrero sa kasong indirect contempt laban sa magkapatid at pagpapalabas ng arrest warrant at pagkakakulong ng anim na buwan.

Sa kautusan ng CA noong Marso ay nag-aatas sa hukom na nagpapataw ng parusa sa mga nakasuhan ng contempt ay hindi dapat maging kasangkapan sa paghihiganti ng isang naglilitis.

Ang kaso ay kaugnay sa inihain ni Jose Marcelo, Jr., kapatid ng yumaong ama naman ng magkapatid na si Edward at tagapangasiwa sa estadong iniwan ng kanilang amain na si Jose Marcelo, Sr., na kasalukuyang dinidinig naman sa sala ni QC RTC Judge Alexander Balut.

Ipinalabas ni Judge Sta. Cruz ang contempt matapos na mabigo ang magkapatid na Marcelo na maisumite ang mga dokumentong hinihingi ni Jose, Jr. na naglalaman ng mga pag-aari ni Jose, Sr.

Subalit, nakasaad sa pinakahuling desisyon na ipinalabas ng CA, na unang isinampa ni Jose, Jr. ang kasong contempt laban sa magkapatid noong 2011 sa QC RTC, na ibinasura ng korte dahil sa kakulangan ng merito.

Inihayag pa ng CA na ang real estate properties na nasa listahan ng imbentaryo ni Jose, Jr. ay hindi pag-aari ni Jose, Sr.

 

Show comments