Mister hinanap ang kanyang kamatayan

MANILA, Philippines - Mistulang hinanap ng mister ang  kanyang kamatayan dahil sa halip na sumuko ay nanlaban at pinaputukan pa nito ang mga pulis kung kaya’t ginantihan ito na na­ging dahilan ng kanyang kamatayan kahapon ng madaling-araw sa San Mateo, Rizal.

Ang nasawi ay kinila­lang si Larry Lorena, da­ting empleyado ng mutual benefits ng AFP, at residente ng AFP Housing, Barangay Silangan, San Mateo, Rizal.

Batay sa ulat, bago nangyari ang insidente ay nag-iikot ang suspek sa kanilang lugar at nagpapaputok ng baril sa ere na ikinatakot ng kanyang mga kapitbahay.

Kaya naman ay tumawag ng pulis ang mga residente na agad rumes­ponde ngunit ilang ulit pa ring nagpaputok ang suspek at nagkulong sa bahay kasama ang kanyang 10-anyos na anak na babae.

Ilang ulit na pinakiusapan ng mga pulis ang suspek na sumuko, suba­lit patuloy na nagpapapu­tok ito ng kanyang baril.

Hindi naman umano magawang magpaputok ng mga pulis sa pangambang tamaan ang anak nito lalo na’t patay ang ilaw sa loob ng bahay.

Bago mag-alas-4:00 ng madaling-araw ay lumabas ng bahay ang suspek, ngunit sa halip na sumuko ay pinaputukan nitong muli ang mga pulis.

Nagawang gumanti ng putok ng mga pulis at tinamaan ang suspek at dinala sa ospital, subalit namatay din ito.

 

Show comments