5 katao dedo sa sunog
MANILA, Philippines - Hindi na nakalabas sa kanilang kuwarto ang lima katao matapos na lamunin ng apoy ang dalawang palapag ng isang gusali kahapon ng madaling-araw sa Delpan, Tondo, Maynila.
Kinilala ang mga nasawi na sina Joana Raceth dela Cruz, 21, kapatid nitong si Jamaica, 17, mga apo ng may-ari ng tindahan; Shane, 21; Junjun, 16, tindero at Tintin na nasa edad 19-21, tindera.
Batay sa ulat ng Manila Fire Department, dakong alas-3:56 ng madaling-araw nang magsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng gusali na pag-aari ni Wilson Villanueva na matatagpuan sa #870 Sto. Niño St. na nagkataong nasa Aklan.
Nabatid na sa isang kuwarto sa ikalawang palapag magkakasamang natutulog sina Joana at Jamaica at Shane, at sa kabilang kuwarto naman si Junjun nang maganap ang sunog.
Nakaligtas naman ang kamag-anak ng pamilya Villanueva na si Albert Andrade at dalawang houseboy na sina Marvin Prado at Ronald Bolivar na tumalon umano sa terrace matapos na hindi mabuksan ang pintuan ng kuwarto ng mga biktima.
Natagpuan ang bangkay ng apat sa unang palapag matapos na gumuho ang itaas na bahagi ng bahay.
Habang natagpuan ang bangkay ng ikalimang nasawi na si Tintin sa banyo ng unang palapag.
Sa salaysay ng dalawang househelper, pasado alas-3:00 ng madaling araw nang magsara ang mini-grocery store at nagising na lamang sila na makapal na ang usok at may apoy na.
Pinilit pa umano nilang buksan ang kuwarto ng mga kasamahan upang sila’y gisingin subalit nakakandado sa loob.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago ito tuluyang naapula ganap na alas-5:00 ng umaga.
Patuloy ang imbestigasyon kung ano ang pinagmulan ng sunog.
- Latest